2024-08-11 09:58:07
["https:\/\/images.forumdimensions.org\/post\/fd_191426044238500_879643610854162_66b9d39856f23.jpg"]

At least, may ice cream ako


Dibuho ni Fe Aurelle Valenzuela

Kagabi, habang naglalakad ako sa Jaro Plaza upang magmuni-muni, napadpad ako sa 7/11. Pumasok ako sa loob, at agad na hinanap ang paborito kong ice cream.

Bukod sa nagca-crave ako nito ay tila naghahanap ako ng kahit anong magpapagaan sa aking pakiramdam, kahit panandalian lamang.

Pasukan na kasi sa Martes, at hindi ako sabik na bumalik sa paaralan.

Nang makarating ako sa chiller kung nasaan ang malamig na dessert, napatingin ako sa labas ng bintana. Kitang-kita mula sa aking kinatatayuan ang mga ilaw ng mga sasakyan at mga taong naglalakad sa kalsada.

Ang daming nagmamadali, parang lahat sila ay may hinahabol, may nais marating. Ako? Narito lang, ni hindi alam kung ano ang pipiliing flavor.

Bigla akong napatitig sa kawalan. Biglang pumasok sa aking isipan na magbebente anyos na ako ngunit wala pa rin akong matumbok na direksyon sa buhay. May lugar ba talaga para sa akin? Ang bilis kasi ng takbo ng mundo, at ang hirap makisabay.

Marami rin naman akong pangarap noon—maging isang doktor, isang manunulat, isang taong may saysay ang buhay. Pero kasabay ng paglipas ng oras, ang dami ring nagbago, at mukhang napag-iwanan ako sa isang sulok.

Nagbayad ako sa cashier at pagkatapos ay lumabas na ng 7/11. Tumingin muli ako sa mga ilaw ng kalye. Para silang mga bituin dito sa lupa. Minsan naiisip ko, sana gano’n din ako kaliwanag. Sana madali akong makita, madaling mapansin. Kaso, hindi.

Nilabas ko ang ice cream mula sa plastik at sinimulang tanggalin ang wrapper. Tumingin ako sa kalangitan, at nakita kong nakadungaw ang buwan. Naaawa kaya siya sa akin dahil sa mga nasayang na pangarap? O, natatawa ba siya dahil ang bata ko pa at marami pa akong oras sa mundo para mag-isip na napag-iiwanan na ako?

Pinikit ko nang saglit ang aking mga mata. Walang nagbago. Maingay pa rin ang lansangan. Nandiyan pa rin ang mga tanong sa aking isipan. Hindi ko pa rin alam kung saan ako patungo o kung ano ang naghihintay.

Isang malalim na buntong-hininga ang aking pinakawalan. Binulong ko na lamang sa aking sarili na, “At least, may ice cream ako.”




Read More