#FROMTHEARCHIVES May 11, 2025
Isang mahalagang sangkap sa paghubog ng katangian at kakayahan ng isang musmos ang pag-aaruga at paggabay ng unang babae sa buhay niya—ang kanyang ina.
Sabi nila, mayroong dalawang uri ng mga ina sa mundo. Una, ang mga inang namaos sa pag-ire upang ika'y mailuwal. Pangalawa, ang mga inang umampon at nag-aruga sa iyo sa kabila ng pagiging hindi nyo magkadugo. Ngunit sa pagdaan ng panahon, kung saan mas lumalala na ang mga sigalot sa mundo, isang uri pa ng ina ang umusbong. Hindi sila nakapagluwal ng sanggol sapagkat wala silang mga asawa at mas lalong hindi sila nag-ampon subalit hindi mabilang ang kanilang mga tinatawag na “anak” dahil ang pagiging ina ay literal na trabaho nila.
Sila ang mga SOS mothers ng SOS Children's Villages—mga babaeng bagama't hindi nagdalang tao ay tila biniyayaan ng labis-labis na mga anak—anak na aarugain. Isa na sa kanila si Mama Neneng—babaeng naging saksi sa pagbabago ng buhay ng mga anak-anakan sa loob ng ampunang kanyang pinagtatrabahuan.
Itinakdang Ina
Kung tatanungin si Mary Anne Trabasas, 46, o mas kilala bilang Mama Neneng, tila isang nakatadhanang misyon na para sa kanya ang maging ina-inahan ng mga kabataang naninirahan sa village.
“1997 sang gindala ako sa ospital kay na typhoid fever ako,” pagsisimula niya.
Agaw buhay na si Mama Neneng nang mga panahong iyon at labis niyang ininda ang kirot na kanyang naramdaman. “Wala ganaba akon hilanat sa 40. Nagkala-ubos na buhok ko, nagaguluwa na dugo sa akon ilong, gapamus-on na 'ko dugo.”
Namalayan na lang ni Mama Neneng na tila hinihigop siya sa isang lagusang may nakabubulag ang liwanag. Subalit nang babangon na sana siya upang sumunod dito, isang babae ang pumigil sa kanya.
“Indi pa 'ko kuno pwede ka upod kay may misyon pa ako. Tapos gulpi lang ko nagbugtaw sang may nabatian ko nga gahibi. Paglantaw ko, kita ko patay na ang babayi nga upod ko (sa ward).”
Laking gulat na lang ni Mama Neneng nang mamukhaan ang babaeng pumanaw sapagkat iyon ang mismong babaeng pumigil sa kanyang sumunod sa liwanag.
Hanggang sa isang araw, muling nagpakita ang babae sa panaginip ni Mama Neneng.
“Ari na ang misyon mo. Nag-abot na,” ang mga katagang binitawan niya. Nang marinig iyon, agad pumasok sa isip ni Mama Neneng na “pag-aasawa” ang tinutukoy na misyon ng babae sapagkat ikakasal na siya sa kanyang kasintahan.
“Lain ang misyon mo. Tukiba.” Yaon ang mga huling kataga ng babae na siyang nag-iwan ng malaking katanungan sa kanyang isip.
“Ang hambal ya sa akon, damo ko mangin bata kuno. Ti abi ko mamata ko damo,” ani Mama Neneng saka bumunton ng isang malutong na tawa.
Lingid sa kanyang kaalaman na higit pa sa pagiging ordinaryong ina ang kaniyang gagampanan sa hinaharap.
Nanays-for-hire
Ang SOS Children's Village ay isang pribadong organisasyon na nagbibigay ng pag-aaruga sa mga kabataang ulila, inabanduna, pinabayaan o nalugmok sa hirap hanggang sa sila ay makatapos ng kolehiyo. Sa kasalukuyan ay mayroong 571 na mga villages sa buong mundo, walo sa mga ito ay nasa Pilipinas at isa sa walong mga villages ay matatagpuan sa Zarraga, Iloilo.
Hindi katulad ng ibang mga tahanan para sa mga batang ulila, ang naturang village ay mayroong mga family houses na tirahan ng mga bata at sa bawat bahay ay may nagsisilbing ina at tiyahin na kung tawagin ay mothers at aunts. Sila ay mga babaeng hindi kasal at walang pamilya na sumasailalim sa taunang pagsasanay upang mapalaki at magabayan ng maayos ang kanilang mga anak-anakan.
Taong 2003 nang dumating ang SOS sa buhay ni Mama Neneng at dito niya napagtanto na ito na ang misyong itinalaga sa kanya sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay naroon siya, patuloy na nag-aaruga ng mga musmos na tinuring na niyang kanya Sa katunayan, ilang mga SOS mothers na daw ang nagbitiw sa trabaho habang siya'y naroon pa rin at nanatili.
“Amo na nagsulod sa paminsaron ko nga basi ang ubra ko subong, calling gid. Kay daan orphan man ko mu. Ti kun indi ni calling, kag kun wala ka passion sa bata nga diri, guro ka gid na di magdugay ah,” ani Mama Neneng.
“Meant to be na gid ko di ya. Matyag ko mission gid ni nga ginhatag sang Gino-o.”
Ang Papel ng Isang Ina
Ayon kay Geraldine Espinosa, guidance counselor ng West Visayas State University, naka-angklang napalaking responsibilidad sa isang nanay ang pagpapalaki sa kanyang anak dahil siya ang nagtatayo ng matatag na pundasyon sa maayos na paglaki nito.
Kumpara sa mga tipikal na tahanan para sa mga batang ulila, mas epektibo diumano ang pamamaraan ng SOS Children's Villages sa pagpapalaki ng mga bata dahil mayroon itong mga inang gagabay sa bawat hakbang na kanilang gagawin at may susubaybay sa bawat mahalagang kaganapan sa kanilang buhay.
Proud Nanay
Lubos kaming namangha habang sinusuyod ng aming paningin ang kabuuan ng kanilang family house kung tawagin. Nagkikinangang mga medalya at hindi mabilang na mga sertipiko ang tila nagpapayabangan sa harap namin. Ayon kay Mama Neneng, ang mga ito daw ang patunay na ang mga anak niya ay namamayagpag din sa paaralan.
“Makatakod-takod ka ribbon sa stage, daw proud ka man. Kaso kis-a bala ang ginalawag, name sang biological parents nila, pay saka gihapon ah! Bisan indi akon ngalan kay akon man bata,” pagbabahagi ni Mama Neneng.
Isa sa mga matagumpay na anak ni Mama Neneng ang tunay na magkapatid na sina Jom at Jon na sinagip lamang sapagkat minamaltrato ng kanilang ama.
“Si Jon, tama na ka niwang sang pag-abot ya diri kag ang structure sang lawas ya, daw tingig kay malnourished gid,” sabi ni Mama Neneng.
Sa kasalukuyan, si Jom ay nagta-trabaho na sa isang prestihiyosong hotel sa Boracay samantalang si Jon, na kakatapos lang ng pag-aaral ay kasalukuyang nagpo-proseso ng kanyang papeles matapos matanggap sa isang cruise line company.
Naikwento rin niya nang minsang nalito ang mga kaklase ng isa sa kanyang mga anak nang iharap nito sa kanila ang kanyang family tree kung saan labing-apat silang magkakapatid ang naroon subalit walang tatay.
“Mahambal na lang 'ko, 'Baw daw nanay gid ko gali ba. Kulang nalang pagbun-ag ko sa ila.”
Super Nanay
Sa kabila ng labis na pagmamahal sa kanyang trabaho, may mga panahon ding tila nais sumuko ni Mama Neneng at tumalikod nalang.
Minsan na itong nangyari nang may nagawang isang mabigat na kasalanan ang isa sa kanyang mga anak. Bitbit ang resignation letter, dumiretso siya sa direktor ng village upang tuluyang magbitiw bitbit ang kanyang mga hinaing.
“Hambal ko, ‘Sir hindi ko kaagwanta. Amo na di gali mga kabataan nyo? Indi ko ya kaagwanta!” pagbabahagi niya sa aming pangkat. Subalit natauhan siya sa isinagot sa kanya ng direktor.
“Hambal ni Sir sa akon, ‘wala SOS Neng, kun wala mga kabataan nga pasaway. Amu na gani may SOS para i-guide sila, tadlungon sila.”
Sa mga puntong iyon niya napagtanto ang tunay na halaga hindi lamang ng kaniyang trabaho kundi pati na rin ng organisasyon sa buhay ng mga batang apinagkaitan ng karapatan.
Nang marinig ng kanyang anak ang kagustuhan nitong magbitiw sa trabaho ay pumalahaw ito ng iyak. “Ma, indi ka na mag-resign. Promise indi na gid ko ya magpasaway,” ani sa kanyang ina-inahan na siyang nagpatibay sa desisyon nitong huwag nalamang magbitiw.
“Baw sa pila ka beses ko mag-hambal nga ma-resign, lantawa kay ari man ko di gihapon!” masiglang tugon niya at sinundan pa ng isang malutong na halakhak.
Higit pa sa Isang Propesyon
“Kinahanglan magnanay ka sa kabataan mo, ang imo pasensya, palawigon mo gid. Kag ara gid dapat pirme ang unconditional love. Bisan ano pa ka lain ang ginahimo ya, dapat ang gugma mo sa bata mo indi mo pagdulaon,” iyan lamang ang ilan sa mga payo ni Mama Neneng sa mga ina at mga magiging ina sa hinaharap.
Kahit pa sabihing bahagi ng trabaho nila ang palakihin ang mga musmos na nabigyan ng pagkakataong matamasa ang ganda ng buhay, hindi maikakaila na higit pa sa tungkulin ang ginagampanan ng mga SOS mothers.
Hindi pangkaraniwang trabaho ang mayroon sila. Sapagkat bukod sa punan ang tungkulin ng isang ina, binubuhay din nila ang pag-asang minsan nang naglaho sa puso ng mga anak nilang hindi man galing sa kanilang sinapupunan, ay itinuturing naman nilang kanila.